Sa kabila ng paninindigan na sa pagbabalik-sesyon pa masisimulan ang proseso sa impeachment laban kay Vice President Sara Duterte, ipinag-utos na ni Senate President Francis Escudero sa mga tanggapan sa Senado na maghanda na sa paglilitis.
Naglabas ng special order si Escudero para sa pag-organisa ng administrative support para sa Senado.
Sa ilalim ng special order 2025-015, itinalaga si Senate Secretary Renato Bantug bilang Clerk of Court o bilang clerk ng impeachment court alinsunod sa Rules of Procedure sa impeachment trial.
Ang Clerk of Court ang tutulong sa presiding officer sa administration o pangangasiwa ng impeachment court at mangangasiwa sa non judicial functions tulad ng recording at reporting ng impeachment proceedings.
Tungkulin din nitong maghanda at magsilbi ng mga notice at summons, impeachment court calendar, gayundin sa pangunguna sa panunumpa at pagtiyak ng proper reception, filing, distribution at pagproseso ng lahat ng pleadings at submission sa impeachment court.
Kasama na rin ang pagsupervise sa security at safety measures para matiyak ang maayos na impeachment trial.
Inatasan naman ang Senate Legal Counsel at Deputy Secretary for Legislation na maging Deputy Clerk of Court.
Magiging responsable naman sa pagsisilbi ng mga summon, subpoena at iba pang kautusan ng presiding officer at ng impeachment court si Senate Sergeant at Arms Roberto Ancan.
Samantala, pinayuhan na ang mga tanggapan sa Senado na abisuhan ang Administrative and Financial Services kung may kailangan sila na budgetary requirements, supplies o equipment at iba pang items para sa isasagawang paglilitis kay VP Duterte.