Ilang Pilipino na nailigtas mula sa umano’y love scam hub sa isang crypto farm sa Myanmar, ang nakaranas ng torture at kinuryente.
Tatlong Pinay ang nagpakita ng kanilang mga pasa at sugatang braso, na gawa umano ng kanilang Chinese employer sa Myawaddy.
Ayon sa isang biktima, hindi siya makasigaw dahil naka-tape ang kanyang bibig at nakaposas ang dalawa niyang kamay na nakasabit habang naka-ekis ang kanyang paa.
Sa salaysay ng mga biktima, ni-recruit sila ng kanilang kaibigan para magtrabaho bilang call center agents sa laos noong nakaraang taon.
Gayunman, nang dumating sila sa naturang bansa ay nagtrabaho sila bilang love scammers, kung saan pinaiibig nila ang kanilang mga biktima at pagnanakawan nila ang mga ito sa pamamagitan ng cryptocurrency investments.
Nang magkaroon ng pag-aresto sa Laos noong Setyembre ay inimbitahan sila ng kanilang kaibigan na lumipat ng trabaho sa Myanmar, kung saan naranasan nila ang pagmamalupit ng kanilang amo.