Iginiit ni Sen. Risa Hontiveros na buhay na buhay pa ang mga problemang ipinaglaban noong 1986 EDSA People Power Revolution kaya’t nararapat lamang na ipagpatuloy ang laban.
Ayon kay Hontiveros, patuloy pa rin ang katiwalian, cronyism at pamamayagpag ng oligarkiya sa lipunan.
Sinabi ng senador na naghihirap pa rin ang marami sa maliit na sweldo, mataas na presyo ng bilihin at kulang na pabahay.
Tinukoy pa ng mambabatas ang pang-aabuso sa kapangyarihan, ang kawalan ng hustisya at ng pagkakapantay-pantay.
Kasabay nito, pinapurihan din ng senadora ang grupo ng mga kabataan, guro at mga unibersidad na nanguna sa paggunita ng EDSA People Power Revolution kahit na walang deklarasyon ng Holiday.
Panawagan ni Hontiveros na hindi dapat mapagod, magsawa at matakot na kumilos para sa tama, lalo na ngayong nag-aaway ang mga kampo ng Marcos at Duterte na kapwa nagnanais na maghari-harian sa bansa.
Iginiit naman ni Senate Minority Leader Aquilino Koko Pimentel III na kailangan pa ring ipagdiwang ang EDSA People Power dahil bahagi na ito ng ating kasaysayan.
Sabi ni Pimentel na dapat itong ipagmalaki dahil tumindig ang mga Pilipino upang ipaglaban ang mga prinsipyo ng demokrasya, good governance at people empowerment.