Nais ni Sen. Joel Villanueva na maisabatas ang pagbibigay ng visa sa mga digital nomad o sa mga indibidwal na bumabyahe habang nagtratrabaho online o gamit ang digital technologies.
Sinabi ni Villanueva na malaking tulong ito upang mapasigla ang turismo ng Pilipinas.
Inihain ng senador ang Senate Bill 2991 upang magkaroon ng panibagong uri ng visa na magpapahintulot sa mga dayuhan na manatili nang mas matagal sa Pilipinas habang nagtratrabaho para sa isang foreign-based employer o business.
Sa ilalim nito, ang visa para sa mga digital nomads ay magkakaroon ng bisa na isang taon at maaaring ma-renew ng isa pang taon.
Alinsunod sa panukala, kailangan lang magpresenta ng mga aplikante ng patunay na may sapat silang kita; health insurance na may validity habang umiiral ang kanilang visa; walang criminal record sa kanyang home country; at hindi banta sa Pilipinas.
Umaasa si Villanueva na sa bagong visa category na ito ay mas maraming digital nomads ang maaakit na bumisita ng Pilipinas.
Sa kasalukuyan, may 50 na bansa ang nag aalok na ng ganitong klase ng visa.