Hinimok ang mga Lokal na Pamahalaan na maging proactive ay makibahagi sa “Alas Kwatro, Kontra Mosquito” campaign ng Department of Health (DOH), na sabayang clean up drive upang maalis ang mga pinangingitlugan ng mga lamok na may dalang dengue.
Isinagawa ang kampanya mahigit isang linggo matapos mag-deklara ang Quezon City ng dengue outbreak, makaraang makapagtala ng mahigit 200% na pagtaas ng dengue infections, simula Enero hanggang Pebrero, kumpara sa kaparehong panahon noong nakaraang taon.
Sa inilunsad na kampanya, kahapon, inihayag ni Quezon City Mayor Joy Belmonte na batay sa latest data, umabot na sa halos 2,400 ang kaso ng dengue sa lungsod.
Samantala, sinabi ni Health Secretary Ted Herbosa na bagaman nakatutok ang ahensya sa CALABARZON, Metro Manila, at Central Luzon na may matataas na kaso ng dengue, nais pa rin nilang paigtingin ang mga hakbang sa lahat ng rehiyon sa bansa upang matiyak na wala nang pangingitlugan ang mga lamok sa mga komunidad.