Inakusahan ng bagong appoint na Palace Press Officer na si Undersecretary Claire Castro si dating Pangulong Rodrigo Duterte na mapag-gawa ng tsismis at nagtatanim ng ebidensya.
Reaksyon ito ni Castro sa pahayag ng dating Pangulo na posibleng hindi bumaba sa poder si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. pagkatapos ng termino nito sa 2028, sa pamamagitan ng pagdedeklara ng martial law, gaya ng ama nito na si dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr..
Kinuwestyon ng Palace official ang ebidensya ng dating chief executive sa claim nito, kasabay ng pagbibigay diin na dati nang inamin ni Duterte na piskal pa lamang ito ay eksperto na ito sa pang-i-intriga at pagtatanim ng ebidensya.
Idinagdag ni Castro na marahil ay napatunayan na ito sa pinagdaanan ni dating Senador Leila de Lima, kaya ano pa nga ba aniya ang aasahan sa dating Pangulo.
Naniniwala rin ang opisyal na nais ng mga Duterte na mabawi ang posisyon at kapangyarihan sa gobyerno.