Malabo para kay Senate President Francis “Chiz” Escudero ang alegasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na patungo sa pagiging diktador si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. katulad ng kanyang ama.
Sinabi ni Escudero na una nang tinawag ni Duterte si Pangulong Marcos na mahinang lider at hindi kayang kontrolin ang pamamahala sa gobyerno.
Subalit hindi anya ito pumatok kaya ngayon ang akusasyon naman ay ang posibilidad na maging diktador bagay na hindi lang anya kabaliktaran kundi hindi makatwiran at walang katotohan.
Sinabi ni Escudero na mahigit isang dekada na nyang kakilala ang Pangulo at nagkaroon pa siya ng prebilehiyo na makatrabaho ito ng halos mag-iisang taon na kaya masasabi talaga niya na hindi siya naniniwala sa paratang ni dating Pangulong Duterte.
Iginiit ni Escudero na base sa ugali, pananaw at work ethic ng Pangulo ay wala siyang nakikita o anumang hinuha o kutob na maaari itong maging diktador.
Una rito sinabi ni Executive Secretary Lucas Bersamin na ang akusasyon laban sa Pangulo ay nagmula sa isang tao na mahilig magsinungaling at mag-imbento ng mga kalokohan o walang katotohanang kwento.