Hinimok ni dating Senador Manny Pacquiao ang mga magulang na turuan ang kanilang mga anak na may Panginoon.
Ito ay upang maiwasan ang patuloy na pagtaas ng kaso ng teenage pregnancy.
Sinabi ni Pacquiao na pinakamabisang panlaban sa problema ay i-educate ang kabataan na huwag pumasok sa mga hindi kaaya-ayang gawain partikular ang premarital sex.
Binigyang-diin ni Pacquiao na mahalagang maituro sa kabataan na may Panginoon at may takot dapat sila sa Diyos.
Sinabi naman ni ACT CIS Partylist Rep Erwin Tulfo na dapat magsimula ang solusyon sa mga ganitong usapin sa komunikasyon sa pamilya.
Dapat anyang maging mahigpit ang monitoring ng mga magulang sa kanilang mga anak at magkaroon ng guidance communication.
Kadalasan anya ang nagiging problema ay ang kawalan ng maayos na komunikasyon sa bahay kaya’t naghahanap ng ibang taong makakausap at makakaunawa ang mga bata.
Sinabi naman ni dating Interior Secretary Benhur Abalos na isa sa mga paraan upang masolusyanan ang teenage pregnancy ay ang magkaroon ng awareness kung saan dapat imulat ang mga bata sa epekto ng maagang pagbubuntis.
Dapat din anyang magkaroon ng mga programa ang gobyerno na turuan ang mga batang ina kung paano maging responsableng magulang.
Bukod dito, hindi rin anya dapat patigilan sa pag aaral ang mga teenage moms upang maipagpatuloy pa rin nila ang magandang kinabukasan.