Kinalampag ni Sen. Sherwin Gatchalian ang airlines companies na ipaliwanag sa publiko ang karagdagang singil sa airfare sa mga pasahero.
Ayon kay Gatchalian sa kabila na pinahintulutan ng Civil Aeronautics Board ang dagdag singil sa airfare sa mga pasahero dahil sa pagtataas ng pandaigdigang presyo ng gasolina dapat pa rin na ipaliwanag ito sa publiko upang matiyak na hindi ito labis at makatuwiran.
Nananawagan din si Gatchalian sa Civil Aeronautics Board na dapat pa rin subaybayan ang pagpapatupad ng taas pasahe sa mga pasahero sa buwan ng Marso.
Kasabay nito, iginiit din ni Gatchalian na dapat tuklasin ng pamahalaan ang mga pangmatagalang hakbang upang patatagin ang mga gastos sa paglalakbay sa himpapawid, tulad ng pagtataguyod ng kompetisyon sa industriya ng eroplano at pagpapabuti ng imprastraktura ng aviation.
Naniniwala ang senador na ang abot kayang pamasahe na inaalok ng mga lokal na airline ay magandang pahiwatig at sumusuporta sa layunin ng pamahalaan na pataasin ang mga kita sa turismo ng bansa.
Mungkahi ni Gatchalian na habang papalapit ang peak travel season, dapat na magtulungan upang mapanatiling abot-kaya ang paglalakbay sa himpapawid para sa mga Pilipino.
Aniya hindi dapat na maging hadlang ang pagtaas ng singil sa airfare sa mga oportunidad para mapalakas ang turismo sa bansa upang makatulong para sa karagdagang trabaho sa mamayang Filipino.