Tiwala si House Deputy Majority Leader at Iloilo Cong. Lorenz Defensor, na hindi manghihimasok ang Korte Suprema sa usapin ng impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte.
Pahayag ito ni Defensor, isa sa 11-man House prosecution team, kasunod ng ulat na pinapipigilan ni VP Sara sa Korte Suprema ang impeachmnent trial sa Senado.
Ayon sa abogadong kongresista, hindi pa niya nababasa ang petisyon, pero “as a rule” ang impeachment ay political question, kaya paiiralin ng Supreme Court ang judicial restraint, ibig sabihin, hindi panghihimasukan ng Korte Suprema ang impeachment process.
Para naman kay Congw. Gerville Luistro ng Batangas, na prosecutor din sa impeachment trial, wala pang sapat na basehan ang Kataas-taasang Hukuman para mag-isyu ng Temporary Restraining Order (TRO).
Aniya, ang kinukwestyon ng petitioners na “verification” ay walang problema dahil sumunod ito sa proseso at mga patakaran.
Pagdidiin pa ni Luistro, hindi ni-railroad ang Articles of Impeachment, katunayan tahimik nilang inaral ang unang 3 impeachment complaint bago bumuo ng ika-apat na siyang inendorso ng 215 lagislators.