Muling nagpatutsada si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kalaban sa pulitika kaugnay sa kredibilidad ng mga kandidato para sa May midterm elections.
Pabirong sinabi ng Pangulo sa kanyang talumpati sa proclamation rally sa Pasay City na nais niya munang bilangin ang kanilang mga kandidato upang matiyak na wala sa kanila ang nasabugan ng granada.
Iginiit pa ng Punong Ehekutibo na ang mga kandidato ng Alyansa ay nakatutok sa paghahayag ng kanilang mga adbokasiya at programa at hindi naninira at hindi rin nagmumura.
Sa kabilang dako ay ipinagkibit-balikat ng mga kandidato ng Alyansa ang pahayag ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na papatayin ang 15 senador para pumasok ang kanilang senatorial bets.
Sa halip na magkomento, sa publiko nanawagan si Sen. Ramon Bong Revilla Jr. na maging matalino sa pagboto at piliin ang mga may nagawa na para iangat ang buhay ng mga Pilipino.
Nasa taumbayan naman anya ang pagpapasya kung sino ang iluluklok sa pwesto.
Sinabi naman ni dating Sen. Manny Pacquiao na hindi dapat kaaway ang tingin ng mga kandidato sa isa’t isa dahil walang mabuting idudulot ang bangayan para sa bayan.
Naniniwala naman si dating Senate President Vicente “Tito” Sotto III na isang joke lang ang mga binitiwang salita ni Duterte kasabay ng panawagan na magpokus sa tunay na isyu habang iginiit ni dating Sen. Panfilo Lacson na hindi magandang palalain pa ang sitwasyon sa panggagatong pa ng iba’t ibang komento.