Nais na tularan ni Bureau of Corrections Dir.Gen. Gregorio Pio Catapang Jr. ang model ng Brunei Darussalam at ng Thailand na hindi agad na ikinukulong ang sinumang indibidwal na sangkot sa paggamit ng iligal na droga.
Sinabi ni Catapang ipapatupad lamang ito sa mga individuals na gumagamit ng illegal na droga maliban sa mga nagtutulak ng illegal drugs.
Paliwanag ng opisyal sa halip na kulungan ang bagsak, mandatory silang dinadala sa rehabilitation center habang dinidinig ang kanilang kaso.
Ito aniya ang nakita niyang magandang modelo na dapat tularan ng ibat ibang corrections facilities sa ASEAN upang maiwasan ang siksikan sa kulungan.
Ipinunto din nito ang nakatenggang mega rehabilitation facility sa lalawigan ng Nueva Ecija na maaaring magamit sakaling matupad ang kanyang ipinapanukala.
Naniniwala kasi si Catapang na mas malaki ang tsansa na makapagbagong buhay ang mga drug user kung sa rehabilitation center sila dadalhin habang dinidinig ang kanilang mga kaso.