Nais tapatan ni Quezon City 5th Dist. Rep. Patrick Michael “PM” Vargas ang talamak na fake news sa pamamagitan ng pagsasabatas ng Digital Literacy in Schools Act.
Ang Digital Literacy in Schools Act ay nakapaloob sa House Bill 8831 na inakda nito, na ang layunin ay isama ito sa basic education curriculum sa lahat ng public schools sa bansa.
Kung magiging batas, oobligahin ang Department of Education na ipasok sa modules ang fact-checking, source verification, responsible social media use, at critical online content analysis.
Isusulong din ang capacity-building program para sa mga guro, upang epektibong maituro sa mga estudyante ang digital literacy.
Paliwanag pa ni Vargas, sa gitna ng paglaganap ng fake news sa internet, napapanahon na maihanda ang mga kabataan at maturuan sila na mag-assess kung alin ba ang totoo o mali sa lahat ng nakikita sa social media.
Sa ganitong paraan, maiiwasan silang maging biktima ng fake news o maling impormasyon.