Posibleng mabalangkas ng Senado sa loob ng dalawang linggo ang impeachment rules na gagamitin para sa paglilitis kay Vice President Sara Duterte.
Ito ang iginiit ni Senate President Francis “Chiz” Escudero kasabay ng kumpirmasyon na sisimulan na nila ngayong session break ang pagbalangkas ng impeachment rules.
Ayon kay Escudero, pagtutulungan ng legal team ng Senado kasama ng mga pribadong batikang abogado na kukunin bilang consultants ang bubuuing patakaran.
Titiyak din aniya nila na hindi magiging bahagi ng alinmang partido o ng defense at prosecution panels sa impeachment trial ang kukunin nilang legal consultants.
Kasunod nito ay isasangguni rin nila sa sector ng academe ang binalangkas na rules at saka ibibigay sa mga senador para aralin at bumuo rin ng rekomendasyon ang kanilang legal team.
Binigyang-diin ng senate leader na magiging maingat sila sa pagbalangkas ng impeachment rules upang matiyak na magiging sapat ito para sa integridad ng paglilitis.