Binalaan ng isang infectious disease expert ang publiko na huwag balewalain ang influenza na nagsisimula lamang sa sipon, ubo, o lagnat, lalo na ngayong peak season dahil marami itong komplikasyon na maaring ikamatay ng pasyente.
Ayon kay Dr. Rontgene Solante, naitatala ang flu cases sa buong taon, subalit ang peak nito na tinawag na “respiratory virus season” ay mula Oktubre hanggang Pebrero at kasabay ng Amihan season.
Sinabi ni Solante na mayroon ding maling paniniwala ang mga Pinoy na ang flu o trangkaso ay regular na sakit lamang, gaya ng sipon na kusang nawawala.
Binigyang diin ng doktor na bagaman maraming pasyente ang nakarerekober sa trangkaso makalipas ang lima hanggang pitong araw matapos ang sapat na pahinga, fluids, at gamot, 20% to 30% aniya ang nagkakaroon ng impeksyon sa baga o pneumonia.
Tinukoy ni Solante na ang delikadong tamaan ng komplikasyon ng flu ay mga sanggol, senior citizens, at mga mayroong existing health conditions.