dzme1530.ph

MMDA, nagsasagawa na ng konsultasyon sa mga LGU kaugnay ng mungkahing 7am-4pm working hours sa gov’t employees

Loading

Nagsasagawa na ng konsultasyon ang Metropolitan Manila Development Authority sa mga lokal na pamahalaan, kaugnay ng mungkahing gawing 7am-4pm ang oras ng trabaho sa mga empleyado ng gobyerno upang maibsan ang mabigat na trapiko sa Metro Manila.

Sa press briefing sa Malacañang, inihayag ni MMDA Chairman Romando Artes na kinakapanayam na nila ang mga kawani ng LGUs at gayundin ang mga may transaksyon sa iba’t ibang tanggapan.

Sa ngayon umano ay nakapagbigay na sa kanila ng feedback ang San Juan City, Pasay City, at Pasig City, at lahat sila ay sang-ayon sa 7-4 working hours.

Samantala, iprinisenta na rin ng MMDA kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang resulta ng inisyal na pag-aaral sa adjusted gov’t working hours, kabilang ang mga benepisyo nito.

Bagamat aminadong nangangailangan pa ito ng masusing pag-aaral at konsultasyon sa iba pang ahensya at kagawaran, sinabi ni Artes na hihilingin nila sa Pangulong ipatupad na ito kapag napatunayan sa datos na lubos nitong mapagagaan ang trapiko lalo na sa mga pangunahing kalsada.

About The Author