Tinalakay na ng Metropolitan Manila Development Authority kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang mungkahing paniningil ng bayad sa mga pribadong motoristang dadaan sa EDSA.
Sa press briefing sa Malakanyang, inihayag ni MMDA Chairman Romando Artes na sa ibang bansa tulad ng Singapore, may ipinapataw na congestion charge sa mga sasakyang pumapasok sa siyudad sa itatakdang oras.
Layunin umano nitong mahikayat ang mga motorista na sumakay na lamang sa pampublikong transportasyon.
Gayunman, mismong ang Pangulo na umano ang nagsabi na maaari lamang itong ipatupad kung mayroon nang alternatibo, at kung maayos na ang mass transportation at wala nang aberya sa mga commuter tulad ng mahahabang pila.
Nilinaw din ni Artes na ito ay isang suhestyon pa lamang.