Aminado ang Commission on Elections na wala pang katiyakan kung mapagkakalooban ng exemption sa election spending ban ang pamamahagi ng financial assistance sa ilalim ng Ayuda sa Kapos ang Kita Program (AKAP) sa panahon ng kampanya tungo sa 2025 National at Local Election.
Sa pagdinig ni Senate Committee on Social Justice Chairperson Imee Marcos, inihayag ni COMELEC Chairman George Garcia na hanggang ngayon ay wala pang guidelines na isinusumite sa kanila ng DSWD kaya’t hindi nito maaksyunan.
Mahigit na ₱12-B na pondo ng AKAP ang hiniling ng DSWD na ma-exempt sa election spending ban.
Sinabi ni Garcia na umaasa siyang maisusumite pa sa kanila ng DSWD ang guidelines para kanilang marepaso bago magsimula ang election ban sa mga infrastucture projects at social services sa March 28.