Dapat magmula sa loob o mga kasalukuyang mga opisyal ng Commission on Elections ang itatalagang bagong komisyoner ng poll body.
Ito, ayon kay Senate President Francis “Chiz” Escudero, sa gitna ng panawagan ni Election Lawyer Romulo Macalintal kay Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. na magtalaga ng Comelec commissioner na rekomendado ng oposisyon upang maibalik o mapanatili ang tiwala ng publiko.
Iginiit ni Escudero na kung magmumula sa loob ng Comelec ang itatalagang kumisyuner ay maituturing itong non—partisan bukod sa kabisado na nito ang detalye ng pagpapatakbo ng eleksyon at isa nang professional civil servant.
Ipinaliwanag pa ni Escudero na ang pagkakaintindi nya dapat talaga na nonpartisan ang Comelec commissioner kayat hindi ito dapat rekomendado o hindi dapat mula sa hanay ng oposisyon o administrasyon.
Sinabi naman ni Senate Minority Leader Koko Pimentel na magandang ideya ang panawagan ni Macalintal subalit ang malaking tanong anya ay kung sino ang oposisyon sa ngayon.