dzme1530.ph

Panukala para sa libreng funeral service sa mahihirap na pamilya, inilatag na sa plenaryo ng Senado

Loading

Inendorso na para sa pagtalakay sa plenaryo ng Senado ang panukala para sa pagkakaloob ng libreng funeral service sa mahihirap na pamilya na namatayan.

Sa ilalim ito ng Senate Bill 2965 na inilatag ni Sen. Raffy Tulfo sa plenaryo ng Senado.

Alinsunod sa panukala, ang pamilya na ituturing na mahirap ay ibabatay sa pamantayan ng National Economic Development Authority.

Kabilang na ang mga pamilyang hindi kayang tustusan ang pangangailangan sa pagkain, bahay, edukasyon, damit at kalusugan.

Alinsunod sa panukala, sasagutin ng gobyerno sa pamamagitan ng Department of Social Welfare and Development ang paghahanda ng funeral documents, embalsamo, burol, libing at cremation kasama ang kabaong at sisidlan ng abo.

Isang miyembro lamang ng pamilya ang kwalipikado sa libreng funeral service kada buwan at dapat magsumite ng certificate of indigency at case study mula sa DSWD.

Obligado naman ang bawat punerarya na magkaroon ng funeral package at dapat pare-pareho ang singil.

Ang mga aabusong punerarya ay papatawan ng anim na buwang suspensyon ng license to operate at kapag paulit-ulit ang paglabag ay maaari itong ipasara bukod pa sa multang ₱400,000. —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News

About The Author