dzme1530.ph

Pag-aaral sa inaprubahang budget ng Kongreso, karapatan ng Malakanyang

Walang nakikitang masama si Senate President Francis Escudero sa aksyon ng Malakanyang na ipagpaliban ang paglagda sa panukalang 2025 budget na unang itinakda sa December 20.

Sinabi ni Escudero na karapatan at prerogative ng Malakanyang na repasuhin at pag-aralan muna ang nilalaman ng ipinasang 2025 national budget ng Kongreso bago ito lagdaang ng Pangulo.

Karapatan din anya ng Pangulo na magsagawa ng line item vetoes sa budget na karaniwan anya itong ginagawa kada taon sa General Appropriations bill.

Una nang inanunsyo ng Malakanyang na kanselado ang nakatakda sanang paglagda ni Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos sa 2025 budget bill sa Biyernes para magkaroon pa ng dagdag na panahon para repasuhin at pag aralan ang panukalang budget.

Iginiit ni Escudero bahagi ito ng legislative process at ng sistema ng checks and balances na nakasaad sa ating konstitusyon.

Kailangan aniya talaga ng sapat na panahon na marepaso ang panukalang budget dahil sa makapal, kumplikado at maraming detalye ang nakapaloob dito.

Sa tingin naman ni Escudero, malalagdaan ng Pangulo bago matapos ang taon ang 2025 General Appropriation Bill kaya hindi magiging reenacted ang budget sa pagpasok ng bagong taon.  —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News

About The Author