Kinalampag ni Senate Pro Tempore Jinggoy Estrada ang pamunuan ng Vivamax dahil sa patuloy na pagpapalabas ng mga malalaswa sa streaming nito sa internet.
Pinuna ni Estrada na hindi tumupad ang Vivamax sa kasunduan sa pagitan ng MTRCB na magse-self regulate sila sa mga pinalalabas dahil sa napapanood ito ng mga kabataan.
Ipinunto rin ni Estrada ang Article 201 ng Revised Penal Code na ipinagbabawal ang pagpapalabas ng mga malalaswa at mahahalay na materials na maaaring makasira sa moralidad ng publiko.
Iginiit pa ng senador na sa ilalim ng batas ay maaaring makulong ng hanggang anim na taon at multa na mula P20,000 hanggang P200,000 at pagkansela ng permit o lisensya sa lalabag dito.
Binigyang-diin ni Estrada na ang streaming ng Vivamax ay madaling ma-access ng mga kabataan na maaaring makaapekto sa kanilang moralidad.
Idinagdag pa ni Estrada na wala siyang nakikitang redeemed values sa mga ganitong uri ng palabas sa Vivamax na madaling mapanood ng mga kabataan na kundi kalaswaan at kawalan ng respeto sa dignidad ng tao.
Tinuligsa rin ng senador na lumalabas na ang kapalit ng pagladlad ng katawan ng artista sa halagang P15,000 kada araw na makakagawa ng full length movie sa loob lamang ng dalawang araw o sa halagang P30,000 lamang. —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News