dzme1530.ph

LTFRB, inatasan ang Angkas na magpaliwanag sa umano’y lumagpas na bilang ng riders

Naglabas ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ng show cause order sa Angkas na ino-operate ng DBDOYC Inc., dahil sa umano’y paglabag sa government-mandated rider cap para sa motorcycle taxis.

Sa naturang oder, inatasan ni LTFRB Chairperson at Motorcycle Taxi Technical Working Group Head, Atty. Teofilo Guadiz III, ang Angkas na tumugon sa loob ng 5-araw, at magpaliwanag kung bakit hindi dapat sila suspindihin o tanggalin mula sa ongoing motorcycle taxi pilot study bunsod ng umano’y violation.

Pinahaharap din ang kumpanya sa technical working group sa Miyerkules, Dec. 18, sa ganap na alas-3 ng hapon.

Partikular na tinukoy ng LTFRB ang anunsyo ng angkas na paglagda ng Memorandum of Agreement sa Social Security System para magbigay ng social protection sa 50,000 partner bikers.

Lagpas ito sa kasalukuyang limit na 45,000 motorcycles na pinapayagan sa Metro Manila. —sa panulat ni Lea Soriano-Rivera

About The Author