“Man up”
Ito ang payo ng Malakanyang sa sinuspindeng si Abra Gov. Dominic Valera, at gayundin sa kanyang anak na si Abra Vice Gov. Joy Valera-Bernos kaugnay ng umano’y kanilang apila kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na resolbahin ang problema sa pulitika sa kanilang probinsya.
Ayon kay Executive Sec. Lucas Bersamin, dapat tanggapin ng mga Valera ang gumugulong na proseso, kabilang ang kanilang suspensyon nang naaayon sa mga panuntunan.
Iginiit pa ni Bersamin na sa matagal na panahon ay hindi naimbestigahan ang mag-amang opisyal dahil sa kanilang pera at impluwensya.
Gayunman, panahon na umano ng pagpabor ng hustisya sa mga taong kanilang inagrabyado, at ngayon ay sinisingil na sila ng pananagutan.
Si Gov. Valera ay pinatawan ng 60-day preventive suspension ng Palasyo ngayong Disyembre dahil sa alegasyong paglabag sa Local Gov’t Code, habang si Vice Gov. Valera-Bernos ay sinuspinde ng 18-buwang simula noong Agosto dahil sa umano’y walang batayang pagpapatupad ng lockdown sa isang ospital noong panahon ng pandemya. —ulat mula kay Harley Valbuena, DZME News