Posibleng ilikas ang buong Canlaon City sa Negros Oriental, sakaling umabot sa worst-case scenario ang pagputok ng Bulkang Kanlaon.
Sa Bagong Pilipinas Ngayon public briefing, inihayag ni Office of Civil Defense Region 7 Director Joel Erestain na hindi ganoong kalaki ang Canlaon City, at kapag itinaas ang Alert level 4 sa bulkan ay lalawak sa 10 kilometers mula sa 6 km ang danger zone, at kaunti na lamang ang matitira sa lungsod.
Pinaka-malala umanong pwedeng mangyari ay maaari pang umabot sa 14-km ang danger zone, at wala na halos matitira sa Canlaon City.
Ibinabala ni Erestain na bagamat bahagya nang humupa ang pagbubuga ng abo ng bulkan, hindi pa rin dapat maging kampante dahil pwede pa rin itong pumutok ng mas malakas.
Kaugnay dito, kinausap na ang mga katabing bayan ng Canlaon City kung saan maaaring ilikas ang mga maaapektuhang residente, at ide-deploy din ang mga tent.
Sinabi naman nito na hindi sila magbibigay ng ayuda sa mga residenteng hindi pa rin aalis sa danger zone. —ulat mula kay Harley Valbuena, DZME News