dzme1530.ph

Mataas na surge fees ng Grab at iba pang TNVS, nais busisiin sa Senado

Isusulong ni Sen. Raffy Tulfo bilang chairman ng Senate Committee on Public Services ang imbestigasyon sa dumaraming reklamo kaugnay sa mataas na singil ng Transportation Network Vehicle Services (TNVS) kabilang na ang Grab Philippines, lalo na ngayong holiday season.

Sinabi ni Tulfo na maraming reklamo ang nakarating sa kanilang tanggapan mula sa mga pasaherong gumagamit ng Grab na kasama sa sinisingil na pasahe ang napakataas na surge fee.

Agad namang nakipag-ugnayan ang tanggapan ng senador sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na nagsabing nagsagawa na sila ng serye ng pagdinig sa mga reklamo ng surge fees at nakatakdang maglabas ng resolution sa mga susunod na araw.

Tiniyak pa ng ahensya sa senador na kasama sa ilalabas nilang resolution ang mga posibleng parusa sa mga violators, partikular ang mga bigong tumugon sa itinakdang fare rates para sa TNVS.

Sinabi ng LTFRB na kabilang sa posibleng kaharapin ng TNVS ay monetary penalties, suspension o kanselasyon ng kanilang prangkisa.

Sinabi ni Tulfo na maghahain siya ng Senate Resolution para sa pagsasagawa ng investigation in aid of legislation sa ipinapataw na surge fees ng TNVS upang matiyak na napoprotektahan ang karapatan ng mga commuter at maging ng mga driver.  —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News

About The Author