Nilagdaan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang tatlong batas kaugnay ng pag-amyenda sa Rice Tariffication Law, VAT refund sa non-resident tourists, at pagtataguyod o promotion ng basic education mental health and well-being.
Sa ceremonial signing sa Malakanyang ngayong Lunes ng umaga, pinirmahan ng Pangulo ang Republic Act no. 12078 o Amendments to Agricultural Tariffication Act para sa patuloy na pagpapalakas sa rice industry ng bansa, at pagpapalawak at pagtataas sa ₱30 billion sa Rice Competitiveness Enhancement Fund upang masaklaw nito ang mga bagong inisyatibo tulad ng soil health improvement, pest and disease management, at pagtatatag ng solar-powered irrigation projects at composting facilities.
Samantala, isinabatas na rin ang R.A. no. 12079 o VAT refund system sa mga dayuhang turista, na layuning makahikayat ng mas marami pang bisita sa bansa tungo sa pagpapalago ng ekonomiya at pagsusulong sa pagtangkilik sa mga lokal o katutubong mga produkto sa local tourists destinations.
Batas na rin ang R.A. no. 12080 na magtatatag ng permanenteng programa para sa mental health at well-being ng basic education students, at maging para sa teaching at non-teaching personnel sa mga pampubliko at pribadong paaralan. —ulat mula kay Harley Valbuena, DZME News