Aminado si Senate Minority Leader Koko Pimentel na walang assurance o kasiguraduhan ang sinasabing fair trial sa pagdinig ng impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte.
Ipinaliwanag ni Pimentel na ang impeachment process ay bahagi ng political process at may kanya-kanyang style ang bawat mambabatas kung paano magdedesisyon.
Ang tanging magiging assurance ay ang pagiging vigilante ng taumbayan sa pagsubaybay sa pagdinig at kasunod nito ay ang pag-pressure nila sa kanilang mga senador na magdesisyon.
Kinatigan naman ni Pimentel ang pahayag ni Senate President Francis Escudero na wala pang paghahandang kinakailangan hangga’t hindi pa umaakyat sa Senado ang reklamo.
Sa sandali aniyang makarating sa kanila ang reklamo ay saka pa lamang nila dapat buuin ang Senado bilang impeachment court.
Kasunod nito ay ang pagtalakay nila sa rules of the court at ang pagbalangkas nila ng kanilang kalendaryo para sa kanilang pagdinig.
Bukod dito, kailangan din muna nilang pasagutin sa pamamagitan ng written reply ang inaakusahan kaugnay sa mga alegasyon sa kanya ng prosecution team bago simulan ang pagdinig. —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News