Pinuna ni Sen. Sherwin Gatchalian ang kakulangan ng mahigit 7,000 special needs education (SNED) teachers kaugnay sa pagpapatupad ng inclusive education para sa mga learners with disabilities o mag-aaral na may kapansanan.
Binigyang-diin ni Gatchalian ang kakulangan ng 7,651 SNED teachers batay sa public school enrollment para sa School Year (SY) 2023-2024.
Sa kasalukuyan, meron lamang 5,147 na mga SNED teachers, samantalang umabot sa 323,344 learners with disabilities na may edad na 2 hanggang 17 ang nag-enroll noong SY 2023-2024.
Kaugnay nito, hinimok ni Gatchalian ang Department of Education (DepEd) at ang Commission on Higher Education (CHED) na magtulungan upang matiyak ang pagkakaroon ng mga kwalipikadong SNED teachers.
Ipinaalala ni Gatchalian na minamandato sa batas na tiyakin ang equitable access sa dekalidad na edukasyon para sa lahat ng mga mag-aaral na may kapansanan.
Sa ilalim ng batas, walang mag-aaral ang mapagkakaitan ng oportunidad na makapasok sa isang paaralan dahil lamang sa kanyang kapansanan.
Nakasaad din sa batas ang pagkakaroon ng scholarship program para sa mga in-service teachers na kukuha ng mga kurso sa mga required master’s degree units sa special needs education, inclusive education, at iba pang related courses. —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News