Nanindigan si Senate Committee on Finance Chairperson Grace Poe na dumaan sa masusing deliberasyon sa Senado ang inaprubahan nilang bersyon ng panukalang national budget para sa susunod na taon.
Ito ay kasunod ng pahayag ni Sen. Imee Marcos na may mga senador ang masama ang loob dahil sa hindi pagdaragdag ng pondo sa Office of the Vice President.
Ipinaliwanag ni Poe na lahat ng senador na nasa plenaryo ng Senado nang sila ay magbotohan ay pumabor sa inilatag niyang mga pag-amyenda sa panukala maliban lamang kay Senate Minority Leader Koko Pimentel na nag-abstain.
Iginiit ni Poe na malinaw sa inilatag nilang pagpopondo na lahat ng ahensya ng gobyerno ay makatutupad sa kanilang mga tungkulin at mandato na ibigay ang de kalidad na serbisyo para sa taumbayan.
Ang mahalaga aniya ay matiyak ng bawat ahensya ng gobyerno na magiging maayos ang pamamahala at paggastos nila sa pera ng taumbayan.
Sa ngayon aniya ay patuloy pa ang isinasagawang pagtalakay ng Technical Working Group sa hindi magkakaparehong probisyon ng Senado at Kamara sa panukalang budget at posibleng sa December 9 o 10 ay muli nang magharap ang bicam panel upang isapinal ang iisang bersyon ng proposed 2025 national budget. —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News