Aminado si Sen. Joel Villanueva na nakababahala ang presensya ng Russian submarine sa West Philippine Sea.
Sinabi ng senador na nangangahulugan ito ng pangangailangan ng mas mataas na antas ng pagiging vigilante sa pagbibigay proteksyon sa ating territorial waters.
Kasabay nito, pinasalamatan ng mambabatas ang mga tauhan ng Philippine Coast Guard at Philippine Navy sa walang sawa nilang commitment bilang guardians ng karagatan kasabay ng pagtiyak sa ating kaligtasan at seguridad sa ating maritime territory.
Sa pagsasabatas anya ng Maritime Zones Act at Archipelagic Sea Lanes Act, mas matibay na ang legal tools ng bansa upang igiit ang ating sovereign rights sa ating teritoryo.
Gayunman, dapat anya tayong manatiling vigilante, nagkakaisa at proactive sa pagdipensa sa ating national interest sa pamamagitan ng diplomatikong pamamaraan upang mapanatili ang kapayapaan at katatagan sa rehiyon.
Sinabi naman ni Senate Minority Leader Koko Pimentel na posibleng may problema ang submarine dahil hindi ito nakalubog sa tubig.
Tungkulin anya ng Department of Foreign Affairs at Department of National Defense ang pagtukoy sa mga detalye nnito lalo na kung maituturing na emergency situation o hindi. —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News