dzme1530.ph

Panukalang 2025 national budget, lusot na sa Senado

Inaprubahan na ng Senado ang panukalang ₱6.3352 Trillion na 2025 national budget.

Matapos basahin ni Senate Committee on Finance Chairperson Grace Poe ang mga pinagsama-samang amendments sa panukalang budget ay agad nang inaprubahan ng mga senador sa ikalawang pagbagsa ang panukala.

Kasunod nito, sa botong 18 na senador na pabor, walang tutol at isang nag-abstain sa katauhan ni Senate Minority Leader Koko Pimentel, agad na ring inaprubahan sa 3rd and final reading ang panukalang budget.

Ilan naman sa binanggit ni Poe na amendments ay ang pagpapalawig ng Assistance in Crisis Situation sa ilalim ng Dep’t of Social Welfare and Development, gayundin ang dagdag na pondo para sa scholarship fund, pagtataas ng pondo para sa Presidential Anti-Organized Crime Commission at sa AFP Modernization Program.

Samantala, ipinaliwanag ni Pimentel na nag-abstain siya sa pagboto sa panukalang budget sa gitna ng patuloy niyang pagkwestyon sa pag-certify sa panukalang budget bilang urgent bill gayung wala naman tayo sa emergency situation.

Kasabay nito, hinikayat ni Pimentel ang mga kapwa senador na bantayan ding maigi sa isasagawang bicameral conference committee meeting ang pagpopondo sa AKAP program ng DSWD; housing program para sa homeless; mga nakapending na proyekto ng Department of Transportation; flood management programs ng DPWH; infrastructure flagship projects ng DICT; unprogrammed fund at cancer fund ng DOH at operating budget ng PhilHealth; ilang paggastos ng pulisya at militar; contingency fund ng gobyerno at bantayan ang budget deficit at pangungutang. —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News

About The Author