Isinasangkot ni Sen. Risa Hontiveros dating Presidential Economic Adviser Michael Yang sa Chinese Intelligence activities sa Pilipinas.
Sa pagdinig ng Senate Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality, ipinakita ni Hontiveros ang larawan na magkasama sina Michael Yang at self-confessed Chinese spy na si She Zhijiang na nakakulong ngayon sa Thailand.
Iginiit ni Hontiveros na ginatasan ni Michael Yang ang gobyerno subalit pinagtaksilan at ipinaalalang sangkot siya sa Pharmally scandal at illegal drug trade.
Samantala, inamin ni National Intelligence Coordinating Agency Deputy Dir. Gen. Ashley Acedillo na wala pa silang hawak na matibay na ebidensya na magsasabing Chinese agent si Alice Guo.
Gayunman, itinuturing aniya ng NICA si Guo bilang agent of influence na ginamit ang kanyang posisyon para makaimpluwensya.
Sinabi ni Acedillo na bago masabing espiya si Guo ay kailangan muna ng impormasyon mula sa intelligence agency na nagtrain sa kanya.
Kinumpirma rin ni Acedillo na patuloy ang monitoring nila sa 17 rehiyon sa bansa kaugnay sa malign influence and foreign interference activities ng China.
Sinabi ni Acedillo na sa pauna nilang impormasyon lumilitaw na lahat ng rehiyon ng bansa ay hindi ligtas sa aktibidad ng China subalit idedetalye nila ito sa executive session. —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News