Pinaiimbestigahan ni Sen. Sherwin Gatchalian ang sinasabing tax leakage bunsod ng paggamit ng mga pekeng Person With Disability (PWD) identification card para lamang makakuha ng 20% PWD discount at value added tax (VAT) exemption.
Sa kanyang Senate Resolution 1239, ibinunyag ni Gatchalian na may mga ulat ng mga indibidwal na nagbebenta ng mga pekeng PWD ID sa ilang lugar sa bansa.
Tinukoy nito ang mahigit 100 pekeng PWD ID na nadiskubre sa Bacolod City gayundin ang nakumpiskang pitong PWD ID sa Cebu City.
Sinabi ni Gatchalain na ang paggamit ng mga pekeng PWD ID ay pagnanakaw ng kita ng pamahalaan na nakolekta sana kung hindi sa VAT-exemption at PWD discount na ibinibigay sa mga hindi kwalipikadong indibidwal.
Dahil pinopondohan din ng iba’t ibang local government units ang iba’t ibang tulong at insentibo para sa mga PWD, ang paggamit ng mga pekeng PWD ID ay kontra sa mga programa ng mga LGU upang matugunan ang mga pangangailangan ng mga ito.
May ilang restaurant owners din aniya ang nababahala bunsod ng paglaganap ng mga pekeng PWD ID. —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News