dzme1530.ph

Tensyon sa pagitan ni PBBM at VP Sara, ‘di hahantong sa constitutional crisis

Tiwala si Senate President Pro Tempore Jinggoy Estrada na hindi hahantong sa constitutional crisis ang hindi pagkakaunawaan sa pagitan nina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at Vice President Sara Duterte.

Sinabi ni Estrada na umaasa siyang matatapos din ang gulo sa pagitan ng dalawang lider at magkakasundo rin ang mga ito.

Naniniwala rin ang mambabatas na magiging malaking tulong sana si Sen. Imee Marcos na mamagitan sa dalawang opisyal.

Ipinaliwanag ni Estrada na kaibigan ni Sen. Marcos ang Bise Presidente at kapatid niya ang Pangulo kaya maaari siyang maging tulay sa pagkakasundo ng mga ito.

Tumanggi naman nang magkomento si Estrada sa mga pinakawalang pahayag ni VP Sara kasabay ng pahayag na ipagdarasal na lamang niya na maging maayos na ang lahat.

Sa usapin naman sa panukalang budget ng tanggapan ng Pangalawang Pangulo, sinabi ni Estrada na nasa desisyon na ng mayorya ng mga senador kung daragdagan pa ang inaprubahan ng Kamara at kinalaunan ay tatalakayin din ito sa bicameral conference committee meeting. —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News

About The Author