dzme1530.ph

Banta sa buhay ng Pangulo, usapin na ng national security ayon sa NSC

Itinuturing na usapin ng national security ang anumang banta sa buhay ng Pangulo ng Pilipinas.

Ito ay kasunod ng banta ni Vice President Sara Duterte na ipapapatay si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at iba pang indibidwal.

Ayon kay National Security Council Director-General at National Security Adviser Eduardo Año, ang anumang banta sa Pangulo ay kanilang sineseryoso at dapat itong ma-validate o mapag-aralan.

Hinggil dito, masusing makikipag-ugnayan ang NSC sa law enforcement at intelligence agencies upang imbestigahan ang banta, ang mga posibleng gumawa nito, at ang kanilang motibo.

Tiniyak ng NSC na gagawin nila ang lahat upang siguruhin ang kaligtasan ng Pangulo, at ipagtanggol ang democratic institutions kaakibat ng pagtindig sa lahat ng oras para sa Saligang Batas at chain of command.

Pinayuhan din ang mga Pilipino na manatiling kalmado at magtiwala sa security sector. —ulat mula kay Harley Valbuena, DZME News

About The Author