Nais ni Sen. Joel Villanueva na mabigyang linaw ang Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) at Ayuda Para sa Kapos ang Kita Program (AKAP).
Kasunod ito ng mungkahi ni Sen. Imee Marcos na pagsamahin na lang ang AICS at AKAP.
Iginiit ng senador na mahalagang matalakay muna kung ano ang nais mapagtagumpayan sa bawat programa at kung sino ang target na ma-address ng AKAP.
Binigyang-diin ni Villanueva na wala siyang problema sa AKAP pero nais niyang maunawaan pa muna ng husto ito.
Matatandaang sa naging plenary deliberations ng panukalang 2025 budget ng DSWD, iginiit ni Marcos na inalis niya sa kanilang bersyon ng budget bill ang ₱39.8 billion na pondong nakalaan para sa AKAP sa ilalim ng 2025 General Appropriations Bill na mula sa Kamara.
Ikinalat ni Marcos ang pondong ito sa ibang programa ng DSWD tulad ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps), Kalahi-CIDSS (Kapit-Bisig Laban sa Kahirapan-Comprehensive and Integrated Delivery of Social Services), at Sustainable Livelihood Program. —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News