Hindi pa agad masusundan ang pagdinig ng Senate Blue Ribbon Subcommitee kaugnay sa war on drugs ng administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Ito, ayon kay Senate Minority Leader Aquilino Koko Pimentel III, chairperson ng subcommittee ay hangga’t hindi sila nabibigyan ng contempt powers.
Ipinaliwanag ni Pimentel na dahil walang contempt powers ang Subcommitee ay hindi sila makapag iisyu ng arrest order sa mga tatangging humarap sa kanilang pagdinig.
Nais din munang makatiyak ng senador na ang iimbitahan nila sa panibagong pagdinig ay may personal knowledge sa war on drugs ng nakalipas na administrasyon.
Matatandaang humarap sa unang pagdinig ng subcommittee si dating Pangulong Duterte at inamin niya ang pagkakaroon ng death squad sa Davao City.
Hindi naman dumalo sa pagdinig sina dating Pol. Col. Royina Garma at Edilberto Leonardo na mahalaga anya sa pagdinig makaraan nilang isiwalat ang reward system sa war on drugs. —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News