Namayagpag ang Gilas Pilipinas laban sa New Zealand sa unang pagkakataon, sa score na 93-89, sa kanilang paghaharap sa FIBA Asia Cup Qualifiers, sa Mall of Asia Arena sa Pasay City, kagabi.
Binasag ng Gilas ang four-game dry spell laban sa tall backs sa FIBA tournament sa ilalim ni Coach Tim Cone, na pormal na nag-take over sa programa ngayong taon.
Dahil sa pagkapanalo ng Pinoy Cagers, nakausad na sila palapit sa FIBA Asia Cup na gaganapin sa Saudi Arabia sa susunod na taon, bunsod ng pangunguna sa Group B standings na mayroong tatlong panalo.
Pinangunahan nina Justin Brownlee at Kai Sotto ang pambansang koponan laban sa World no. 22 na Kiwis.
Gumawa si Brownlee ng 26 points, 11 rebounds, four assists, two steals, at two blocks nang walang single foul habang nag-ambag si Sotto ng 19 points, 10 rebounds, at 7 assists, bukod sa 2 steals at 2 blocks.
Sunod na makakasagupa ng Gilas Pilipinas ang koponan ng Hong Kong sa Linggo. —sa panulat ni Lea Soriano-Rivera