Sinangga ng kabundukan ng Sierra Madre ang malalakas na hanging dala ng bagyong Pepito nang manalasa ito sa bansa nitong weekend.
Dahil sa Sierra Madre, nalimitahan ang epekto ng bagyo, maliban sa matinding pag-ulan na naranasan sa Catanduanes at ilang isla sa lalawigan ng Quezon.
Paliwanag ni PAGASA Officer-in-Charge Juanito Galang, malaki ang naitutulong ng naturang bundok sa pagpapahina ng bagyo, kumpara kapag nasa dagat ang sama ng panahon at nakakapag-ipon ng lakas.
Ang Sierra Madre ang pinakamahabang bundok sa bansa na nasa 540 kilometers mula Cagayan hanggang Quezon sa silangang bahagi ng Luzon.
Sa hilagang bahagi naman matatagpuan ang Northern Sierra Madre Natural Park na ikinu-konsidera rin bilang pinakamalaking protected area sa Pilipinas.
Sa kasagsagan ng pananalasa ng bagyong Pepito, tinawid nito ang kabundukan ng Sierra Madre. —sa panulat ni Lea Soriano-Rivera