Nais ni Sen. Sherwin Gatchalian na madagdagan ang intelligence fund ng Philippine National Police (PNP) upang mapaigting pa ang kampanya kontra POGO.
Sinabi ni Gatchalian na kailangan ng pulisya ng mas mataas na pondo para kumalap ng intelligence kasunod ng mga impormasyon na mayroon pa ring mga kumpanya ng POGO na palihim na nag-o-operate at nagpapanggap ng ibang negosyo.
Ngayong taon aniya ay bumaba sa ₱960.025 million ang intelligence fund ng PNP mula sa ₱1.356 bilyon noong 2023.
Sa ilalim ng National Expenditure Program (NEP) para sa 2025, binigyan ang PNP ng intelligence fund na ₱806.025 milyon, ₱100 milyon dito ay dinagdag ng Senado.
Binigyang-diin ni Gatchalian na dahil sa direktiba ng Pangulo na wakasan na ang lahat ng operasyon ng POGO sa bansa hanggang sa katapusan ng taon, kailangang doblehin ng mga law enforcement agencies gaya ng PNP ang kanilang pagsisikap na mapaalis ang lahat ng POGO, partikular na ang mga sangkot sa ilegal na aktibidad tulad ng kidnap-for-ransom, human trafficking, at online scamming.
Sa tala, umabot na sa 5,800 ang kabuuang bilang ng mga biktima ng POGO-related crimes nitong Mayo ng taon base sa datos ng PNP. —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News