Hinimok ni Batangas 2nd Dist. Rep. Gerville Luistro ang Quand Comm, na irekomenda ang pagsasampa ng kasong kriminal laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte dahil sa paglabag sa int’l humanitarian law, at kasong murder kaugnay sa libo-libong pinatay sa war on drugs.
Binanggit ni Luistro ang datos ng PDEA at human rights group na 6,252 ang napatay sa police anti-drug operations mula July 2016 hanggang May 2022, habang 27,000 to 30,000 ang biktima ng Extra Judicial Killings na ang may kagagawan ay pulis at vigilante o riding-in-tandem.
May 427 ding aktibista na pinatay, 166 land at environmental defenders; 23 journalists at media workers; 66 na kasapi ng hudikatura at abogado, at 28 alkalde.
Sa nagdaang hearing tinanong ni Luistro ang dating Pangulo kung sinunod nito ang basic due process sa war on drugs, na sinagot ni Duterte ng “yes,” gayunman para sa lady solon kabaligtaran ang nangyari dahil sa dami ng napatay.
Dahil sa inaako naman ni Duterte ang accountability, legal man o iligal ang ginawa ng mga pulis, marapat lang aniya na sampahan na ito ng kasong paglabag sa RA 9851, An Act Defining and Penalizing Crimes Against Int’l Humanitarian Law, at murder cases as defined sa Revised Penal Code. —ulat mula kay Ed Sarto, DZME News