Hinimok ni Senate Senior Deputy Majority Leader JV Ejercito ang kanyang mga kasamahan sa Senado na isama ang mga railway projects sa programmed appropriations sa ilalim ng 2025 proposed budget ng Department of Transportation (DoTr).
Sinabi ni Ejercito na pagdating ng period of amendments sa panukalang 2025 budget ay isusulong niyang maisama sa popondohan ang PNR South Long-Haul Project, Mindanao Railway Project, at MRT Line 4 Project.
Binigyang-diin ng senador na mahalaga ang mga railway projects sa pagpapalakas ng connectivity at pagbabawas ng traffic congestion subalit wala itong sapat na alokasyon sa ilalim ng National Expenditure Program (NEP) at General Appropriations Bill (GAB).
Mahalaga rin anya ang mga proyektong ito para naman sa paglago ng ekonomiya at paglikha ng mga trabaho.
Tinapyasan ng Kamara ng ₱76. 2-Billion ang panukalang 2025 DoTr budget at ngayon ay nasa ₱106.86-Billion na lamang na 42% na mababa mula sa original budget ng Malacañang.
Ang pagbabawas aniyang ito ay taliwas sa panawagan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. para sa “full speed ahead” approach sa transport sector. —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News