dzme1530.ph

DOLE, tiniyak na may programa para sa mga manggagawang Pinoy na tatamaan ng POGO ban

Sa kabila ng katuwaan sa pagpapalabas ng kautusan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. para sa tuluyang pag-ban sa POGO operations, aminado si Sen. Sherwin Gatchalian na nabahala siya sa magiging sitwasyon ng mga Filipino workers na mawawalan ng trabaho.

Sa deliberasyon sa panukalang budget ng Department of Labor and Employment, inalam ni Gatchalian ang mga programang nakalatag para sa mga apektadong manggagawa.

Ayon sa sponsor ng budget na si Sen. Loren Legarda, aabot sa 27, 790 Filipino workers ang natukoy nilang apektado ng ban sa apat na rehiyon.

Kabilang dito ang National Capital Region na may 19,754; Region 3, na may 142; Region 4-A Calabarzon na may 7,837 at Region 7 na may 57.

Sinabi ni Gatchalian na dapat may mga programa ang ahensya para ma-reintegrate ang mga nawalan ng trabaho at mabigyan sila ng tulong.

Tiniyak naman ni Legarda na nakalatag na ang mga programa kabilang ang job matching, referral placement at adjustment measures program. —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News

About The Author