Walang pulis o pulitikong tumulong sa pagtakas ng grupo ni dating Bamban Tarlac Mayor Alice Guo noong Hulyo.
Ito ang iniulat ng Philippine National Police sa Senado sa gitna ng budget deliberations sa plenaryo.
Batay sa report ng PNP, nag-sorry na rin si PAGCOR Senior Vice President Raul Villanueva at nag-isyu ng affidavit na nagsasabing walang pulis na sangkot sa pagtakas ni Guo.
Sa kabila ito ng nauna niyang pahayag na batay sa kaniyang nasagap sa intelligence community, may dating PNP chief ang tumulong kay Guo.
Nagtataka naman si Sen. Risa Hontiveros at itinuturing na misteryoso ang pagtakas ni Guo nang walang tumulong sa kanila.
Samantala, nasita rin ang PNP sa kabiguan pa rin nilang mahanap si dating Presidential Spokesperson Harry Roque sa kabila ng regular na posting nito sa kanyang social media accounts.
Nilinaw naman ng PNP na wala silang hawak na warrant of arrest mula sa Korte laban kay Roque pero patuloy ang pagtugis ng kanilang tracker teams. —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News