dzme1530.ph

44 Pinoy, nahaharap sa parusang kamatayan sa iba’t ibang bansa

Kinumpirma ng Department of Migrant Workers na mayroong 44 na Pinoy sa iba’t ibang bansa ang nahaharap ngayon sa parusang kamatayan.

Kabilang dito ang 41 sa Malaysia, dalawa sa Brunei at isa sa Saudi Arabia.

Sa budget deliberations sa plenaryo ng Senado, sinabi ng DMW sa pamamagitan ni Sen. Joel Villanueva na sa 41 na nasa death row sa Malaysia, ilan ay nagsilbing drug mule o tagapuslit ng iligal na droga at ang ilan ay nag-iingat ng iligal na droga.

Isang Pinay naman ang pitong taon nang nakakulong sa Saudi Arabia dahil sa pagpatay umano sa kanyang amo at ngayon ay nasa death row.

Sa ngayon ay umaapela pa sa Korte ang Pinay na naggiit na self-defense ang nangyari habang patuloy ang negosasyon ng DMW sa pamilya ng kanyang napatay.

Naka-hold naman ang pagbitay sa dalawang Pinoy sa Brunei na convicted sa murder dahil may moratorium sa execution ng mga hinatulan ng kamatayan.

Tiniyak pa ni Villanueva na nagbibigay ang DMW ng financial at iba pang tulong sa 44 na Pinoy ay regular ding minomonitor ang kanilang kondisyon. —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News

About The Author