dzme1530.ph

BuCor nag deploy ng dalawang ​​full-body scanner sa NBP

Naglabas ng dalawang bagong Soter RS ​​full-body scanner ang Bureau of Corrections na may kakayahang makakita ng anumang uri ng mga bagay na nakatago sa loob ng katawan ng tao.

Sinabi ni BuCor Director General Gregorio Pio Catapang Jr. na nagpasya siyang i-deploy ang mga body scanner na ito, sa entrance ng National Headquarters’ Administrative building at sa Inmate Visiting Services Unit ng Maximum Security Camp sa New Bilibid Prison.

Paliwanag ni Catapang aalisin na ang strip searches at manual cavity checks sa mga bisita ng mga PDLs.

Ang mga advanced scanner na ito ay makade-detect ng mga bagay na natutunaw, nakatago sa ilalim ng damit, o nakatago sa loob ng kanilang mga pribadong bahagi ng katawan.

Matatandaang ipinatigil ni Catapang ang strip and cavity searches sa mga dalaw ng mga PDL matapos makatanggap ng mga reklamo mula sa dalawang asawa ng mga bilanggo.

Nilinaw ni Catapang na nagpatupad ang Bureau ng strip and cavity searches dahil sa pagtaas ng mga bisitang nagtatangkang magpuslit ng mga kontrabando sa Correctional facility, tulad ng mga cellphone, charger, tabako, at ipinagbabawal na gamot na nakatago sa iba’t ibang bahagi ng katawan. —ulat mula kay Tony Gildo, DZME News

About The Author