Pinatitiyak ni Sen. Joel Villanueva sa gobyerno na mabigyan ng sapat na pondo ang mga binubuong batas ng Kongreso.
Ito ay makaraang makita ng senador sa report ng Department of Budget and Management na may 200 batas na ang ilan ay pinagtibay sa nakalipas na tatlong dekada ang nakakaranas ng kakulangan ng pondo, kaya’t nagiging hadlang sa epektibong implementasyon nito.
Ayon sa Fiscal Planning and Reforms Bureau (FPRB) ng DBM, umabot ang kakulangan ng pondo sa higit 46 batas sa P554.5 bilyon habang ang natitirang 159 na unfunded law ay kulang sa tinukoy na budgetary requirement.
Kabilang sa mga may funding gaps ang ilang pangunahing infrastructure at development projects, security at peace and justice sector.
Ilan naman sa mga batas na may funding deficiencies ay may kinalaman sa pagtatayo ng Land Transportation Office (LTO) district offices at ang Revised AFP Modernization Act (RA 10349), na nanatiling hindi pinondohan sa kabila ng mahalagang papel sa pagmodernisa ng Armed Forces of the Philippines.
Binigyang-diin din ni Villanueva ang kahalagahan ng maayos na ugnayan at pagtutulungan ng Ehekutibo at Lehislatura sa pagbibigay ng ‘timely feedback and financial projections’ para sa mga panukala na may funding implication.
Nanawagan din ang senador para sa pagtatatag ng malinaw na protocol para sa pagtatasa at pagtugon sa kakulangan sa pagpopondo bilang bahagi ng proseso ng paghahanda ng budget. —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News