Kinumpirma ni Senate Finance Committee Chairperson Grace Poe na umaabot sa halos isang milyon ang mga kasong hindi pa nareresolba ng mga Korte sa iba’t ibang panig ng bansa.
Sa deliberasyon sa panukalang 2025 budget ng Hudikatura, sinabi ni Poe na aabot sa 14,576 ang unresolved cases sa Korte Suprema; mahigit 26,000 sa Court of Appeals, 1,500 sa Court of Tax Appeals at 362,000 sa Regional Trial Courts.
Aabot naman sa 298 ang mga kasong pending sa mga Sharia Court habang ang iba pang hindi nareresolba ay nasa family courts, Metropolitan at Municipal Trial Courts, Municipal Circuit Trial Courts at Sharia Circuit Courts.
Sa pagtatanong ni Senate President Pro Tempore Jinggoy Estrada, sinabi ni Poe na batay sa regulasyon dapat maresolba ang mga kaso sa loob ng 90-araw.
Idinagdag ni Poe na dahil sa hindi pagsunod sa regulasyon na ito, umaabot na sa 150 na huwes ang nahaharap sa administrastive complaint.
Matapos naman ang pagtalakay, inaprubahan na ng plenaryo ang panukalang budget para sa hudikatura na itinaas ng Senado sa ₱63-B mula sa ₱61-B na ibinigay ng Department of Budget and Management kasama na ang pondo para sa pagpapalakas ng paggamit ng Artificial Intelligence ng Judiciary Department. —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News