dzme1530.ph

2016 arbitral ruling, ipatutupad sa ilalim ng nilagdaang PH Maritime Zones Act at PH Archipelagic Sea Lanes Act

Ipapatupad ang 2016 arbitral ruling, sa ilalim ng PH Maritime Zones Act at PH Archipelagic Sea Lanes Act na nilagdaan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr..

Sa press briefing sa Malacañang, inihayag ni Sen. Francis Tolentino na may akda ng PH Maritime Zones Act, na sa kauna-unahang pagkakataon ay nailagay na sa batas ang pangalang “West Philippine Sea”, at maging ang “Talampas ng Pilipinas” o dating kilala sa tawag na Benham Rise.

Tutukuyin na rin ang eksaktong nasasakupan ng ating territorial sea, contiguous zone, exclusive economic zone kasama ang seabed o ilalim ng dagat.

Gayunman, inaasahang ang mga batas ay hindi umano kaagad kikilalanin ng China.

Sa kabila nito ay masaya pa rin ang senador dahil sa wakas ay naipasa na ito matapos pag-debatihan sa loob ng 18-taon.

Ang lahat umano ng mga ito ay isusumite sa International Maritime Organization at International Civil Aviation Organization, at umaasa siyang balang-araw ay ia-anunsyo na sa bawat eroplano ang mga katagang “We are now entering the West Philippine Sea. Please fasten your seatbelt”, at lalabas sa mapa ng mga pasahero ang area ng West Philippine Sea. —ulat mula kay Harley Valbuena, DZME News

About The Author